Inihanda ng Bagong Alyansang Makabayan
16 Setyembre 2010
Nakatakdang umalis si Pangulong Benigno Simeon “Noynoy” Aquino III papuntang Estados Unidos (US) upang dumalo at magsalita sa harap ng may 189 heads of state/government sa gaganaping 65th United Nations General Assembly sa New York sa Setyembre 24. Ang tema ng general assembly ay “Reaffirming the Central Role of the United Nations in Global Governance”. Aalis si Aquino patungong US sa Setyembre 20.
Ang isang linggong (Setyembre 20-26) pagbyaheng ito ni Noynoy ay ang kanyang kauna-unahan bilang pangulo ng Pilipinas Susundan ito ng pagdalo niya sa Association of South East Asian Nations (ASEAN) Summit sa Hanoi, Vietnam sa huling linggo ng Oktubre. Samantala, hindi na siya tutuloy sa ASEAN-European Union (EU) Meeting sa darating na Oktubre 3-4.
Sinasabing personal na inimbita ni US President Barack Obama si Noynoy upang bumisita sa White House, subalit hanggang sa kasalukuyan ay wala pang inilabas na detalye ang Malacanang ukol dito. Habang hindi pa rin kumpirmado ang bilateral meeting nina Noynoy at Obama, sigurado naman na magkakadaupang palad ang dalawa sa gaganaping ikalawang US-ASEAN Leaders Meeting sa Setyembre 24. Magsisilbing country coordinator ang Pilipinas para sa US- ASEAN Dialogue relations for 2009-2012.
Sa kanyang mga press release at pahayag, sinabi ni Aquino at kanyang mga tagapagsalita na mahalaga ang pagbyaheng ito ng pangulo dahil ang US ang isa sa “big, if not biggest, trading partners” ng bansa. Isa raw itong oportunidad upang manghikayat ng mga dayuhang mamumuhunan, matapos ibahagi sa kanya ni US Ambassador to the Philippines Harry K. Thomas Jr. na maraming malalaking kumpanyang Amerikano ang interesadong mamuhunan sa Pilipinas. Itinuturing ng Malacanang ang pagbyaheng ito bilang solusyon sa problema ng kakulangan ng hanapbuhay sa bansa.
Target ng pangulo na makakalap ng mga proyektong pang-imprastraktura sa ilalim ng Public-Private Partnership (PPP) na kanyang nauna nang binanggit sa kanyang State of the Nation Address. Kaugnay nito ay ipinasa noong Setyembre 9 ng Executive Order No.8 o ang pagrereorganisa sa Build-Operate-Transfer (BOT) Center bilang Public-Private Partnership (PPP) Center of the Philippines (sa ilalim ng National Economic and Development Authority) upang mapabilis at mapabuti ang pangangasiwa sa mga proyektong PPP. Maraming tumutuligsa sa PPP dahil sa esensya ay pribatisasyon ito ng mga serbisyong dapat gobyerno ang nagbibigay.
Ang pag-alis na ito ng pangulo ay talagang pinaghahandaan ng kanyang Gabinete. Sa katunayan ay umalis patungong US noong Agosto sina Trade and Industry Sec. Gregory Domingo at Finance Sec. Cesar Purisima upang makipag-usap sa iba’t ibang malalaking kumpanya at korporasyon sa US at ayusin ang mga posibleng pamumuhunan, kabilang ang business process outsourcing (BPO) tulad ng mga call centers at electronics. Sinasabing ang BPO ay nagbibigay sa bansa ng may P9 billion kita kada taon subalit nasa kalahating milyon lang ang naka-empleyo dito.
Nakatakdang makipagkita si Aquino sa mga matataas na opisyales ng malalaking korporasyon sa New York at San Francisco tulad ng Coach, Luen Thai, IBM, JP Morgan, Sutherland, Automatic Data Processing and Hewlett Packard.
Isa rin sa mga pinaka-aabangan ng administrasyong Aquino sa pagbyahe sa US ay ang pagpirma sa US$434-million Compact grant ng Millennium Challenge Corporation (MCC) na sinasabing nakalaan para sa poverty reduction, revenue generation at infrastructure development sa bansa.
Maliban sa pagdalo sa mga pulong ng UN at ASEAN-US, pangangalap ng suporta mula sa mga dayuhang kapitalista, at pagsaksi sa pagpirma ng MCC sa Compact grant ay nakalinya rin bilang mga aktibidad ni Noynoy ang mga sumusunod:
(1) pagdalo sa isang roundtable discussion kasama ang mga miyembro ng Filipino-American community na nasa larangan ng Information Technology at Engineering (ST&E) sa New York at San Francisco;
(2) pagtanggap sa Saint Elizabeth Ann Seton Medal – ang pinakamataas na karangalang ibinibigay ng College of Mount Saint Vincent (kung saan nag-aral ang kanyang ina na si dating pangulong Corazon Aquino) sa New York – para raw sa kanyang "extraordinary service as public official";
(3) pagsasalita sa harap ng Council of Foreign Relations (isang think-thank para sa international affairs; dating Ayala Foundation-USA) tungkol sa relasyong RP-US at ang perspektiba ng Pilipinas sa mga isyung rehiyonal at internasyunal;
(4) pagdalo sa gala dinner ng Philippine Development Forum kung saan siya ang keynote speaker. Tatalakayin umano niya ang mga proyekto kaugnay ng information technology;
Nakatakdang bumalik sa Pilipinas si Aquino sa Setyembre 28. Ilan sa mga makakasama niya sa kanyang pagbyahe ay sina House Speaker Feliciano Belmonte Jr., Mandaluyong Rep. Neptali Gonzalez II at Mandaluyong Mayor Benhur Abalos.
Read more... click the link
No comments:
Post a Comment