BUKATOT
Edgar Arbozo a.k.a Murphy Red
Salin ni Chi Balmaceda mula sa Ilokano
Unang Gantimpala, Gantimpalang Ani
Unang Inilimbag ng Wagwag (Gapas Foundation), Marso 1993, pp. 51-55.
Unang Inilimbag ng Wagwag (Gapas Foundation), Marso 1993, pp. 51-55.
LUBOOOG!” Akala mo’y bingwit na pagkaminsan ay hinihila ni Ikko ang taling nakatingkayad sa gilid ng sapa. Ibig niyang bugawin ang mga kulisap na umaaligid sa pagitan ng mga sungay ng kalabaw niyang si Pinky. Di pa nakakalipas ang ilang sigundo, lumitaw na sa tubig si Pinky. Umaligid na naman ang mga kulisap sa pagitan ng sungay nito.
Pinky ang ipinangalan niya sa kalabaw dahil ito ang kaisaisang puting kalabaw sa buong bayan ng Cabugao. Lalupang namumula ang kulay ni Pinky kapag ito’y naiinitan kaya Pinky ang itinawag niya nang idating ito ng kanyang ama mula sa Isabela. Lubooog, sasabihin sana niya para palubugin na naman ang kalabaw nang sa ganoo’y mailigaw ang mga kulisap, pero sumagi bigla sa isip niya ang iyong bukatot na iniumang niya malapit sa sabangan. Isang linggo na niyang di natitingnan kung may huli na ito. Marami na marahil itong nahuli.
Hinatak niya ang tali ni Pinky para tumayo ito, saka ipinunas, nang makaahon na ang kalabaw, ang sako na itinalukbong niya noong di matagalan ang init ng palapit na katanghalian.
“Hiii!” Patalon niyang sinakyan si Pinky saka niya pinatakbo pakanluran.
“Tingnan natin kung may huli na ‘yung bukatot. Sabik na sabik na akong maka-ulam ng bunog,” wika niya na tila naiintindihan ito ni Pinky.
Di pa sumasapit sa kinaroroonan ng bukatot, tumalon nang patakbo si Ikko. Hinayaan niyang maiwan si Pinky sa tabi ng sapa. Pagkalusong na pagkalusong sa tubig, inayos niya agad ang kanyang antipara saka sinagi ang lalagyang kawayan na nakasukbit sa baywang niya.
“Kirat, Kirat, punuin mo ang aking lalagyan!” ibinulong naman niya ang orasyong madalas niyang usalin sa tuwing sisiyasatin ang mga panghuling rama, kitang o bukatot.
Nang hanggang tuhod na ang tubig, yumuko siya para silipin ang butas ng bukatot. Iniahon niya ang ulo nang kapusin siya ng hininga saka tinanaw si Pinky na nanginginain sa lilim ng punong kandaroma.
“Huuu! Mag-uulam na naman ng karpa ang tao! Mayroon pang kuros at kappi! sigaw niya. Lumingon din si Pinky na isip mo’y naintindihan si Ikko.
“Ngaaa!” lamang naisagot nito.
Paminsanminsan ay sinisilip ni Ikko ang laman ng lalagyan ng taluntunin na ni Pinky ang lambak papunta sa bakuran nila. Kinukumpasan ang kanyang katawang nakabukaka sa ibabaw ni Pinky ang bawat kembot ng kalabaw. Di niya napansin si Lakay Koyong na kapitbahay nila nang madaanan itong nagsasalansan ng mga dahon ng tabako.
“Ano ‘yang nahuli ng bukatot mo, sabi ko,” ulit na tanong ng matanda nang di siya sagutin ni Ikko sa una niyang pagtatanong.
“Haluhalo, Lelong!” sagot niya nang di tumitingin.
Nakayuko pa ring sumisilip sa lalagyan. Inisaisa niyang masdan ang mahigit kalahating laman ng lalagyan.
Iniisip niya ang galing ng bukatot sa panghuhuli. Mas mahusay ito kaysa sa rama, o kaya’y sa tulya, sa lawin, sa kitang at kahit pa sa daklis. Walang pinalalagpas ang bukatot. Malaki man o maliit, karpa man o purong, kappi o rassas, kuros o padaw. Kahit ballayba ng galing pa sa malayo o kaya’y balballulang na galing sa dagat, lahat inaanod ng mga sapa. Basta dumaan sa sabangan, lalamunin ng bukatot. Talagang bukatot sa kasibaan ang bukatot.Napangiti si Ikko. Iyong ngiting sabi nga nila’y mas matamis pa sa hasmin: Minamahal ni Ikko ang bukatot.
Umuusok ang kalan nila nang marating ni Pinky ang lilim ng punong kamatsile na pinagtatalian sa kanya. Namumula ang mukha ng inang niyang si Baket Gorya, na tila malapit nang maihaw ng baga. Tila malalagot ang ugat nito sa leeg sa pag-ihip sa baga. “Putang-ina mong bata ka!” umpisang talak ng matanda nang makitang itinatali ni Ikko si Pinky sa puno ng kamatsile. “Di mo ba naririnig ang sigaw ko, bingi? Wala ka na bang alam gawin, masamang bunga na ama mo, kundi ang magpastol ng kalabaw? Namamaos na ako sa kasisigaw kanina pa ng…”
“O!” Ibinagsak ni Ikko ang lalagyan sa ibaba ng dulang. “Yan ang napala ko sa pagpapastol kay Pinky. Salita kayo nang salita, di pa ninyo alam ang nangyari.”
“Ay, akala ko kung saan ka lang nanggaling.” Bumaba ang tremolo ng boses ng matandang napahiya sa naibulalas niya.
“Huuu! ‘Yan kasing basta na lang lumilitaw sa bumubula mong bibig kapag nakikita mo ‘yang bata!” sabat ni Lakay Doming na ama ni Ikko. Yapak ito, nagtatali ng kapuputol na kawayan.
“Halika nga rito at ibababad mo itong mga natapos. Babakuran natin ng madre kakaw ‘yung katatanim na mais sa bukid pagkapananghalian,” sabi niya sa anak at kapagdaka’y nagkayas ng kawayan.
Hindi sumagot si Ikko. Bubulungbulong lang itong nagbigkis ng mga bambang kawayan saka ito ibinabad sa ilalim ng batalan. “Hindi na pwede, Among. Kinalahati na ninyo ang hatian ng palay noong anihan, ngayon, babaratin naman ninyo itong presyo ng tabako?”
Nagising si Ikko sa tinig ng ama niya. Kaiidlip pa lang niya, sa tantya niya. Nahiga siya sa sahig ng kubo nila matapos mananghalian at nasarapan yata sa tulog at di na niya narinig ang pagdating ng owner ni Mr. Viloria.
Sumilip si Ikko sa tabing. Nakita niya ang matandang pinakikisakahan nila. Nakapamaywang ito na tila ba pag-aari ang lahat ng nasa loob ng bakuran.Sa likod niya, nakaparada ang owner na may hilang treyler na punungpuno ng mga sako ng tabako. Nakamasid sa nag-uusap ang drayber na nakaupo sa may manibela. May nakabukol sa kanyang sukbitan.
“Magandang klase ‘tong tabako namin, Among!” dagdag ni Baket Gorya. “Dilaw na nang anihin ang mga ito. Kaaahon lang sa pugon nang sanlansanin namin. Walang halong ridyek ‘yan.”
“Kahit magtanong pa kayo doon sa bayan, walang makakaabot sa gusto ninyong presyo. Talagang ang presyo ko ang itinakda ng gubyerno. Kahit do’n sa ridraying sa sentro, mayroon ba namang mas mamahal pa sa onse isang kilo? Ibigay n’yo na!”
Ipinagpipilitan ng panginoong maylupa ang tawad niya. “Maswerte nga kayo’t dinayo ko pa ng tabako n’yo. Menusmenos pa kayo sa gastos sa pagluluwas niyan sa tagabenta ninyo.”
Pero matigas si Lakay Doming. “Hindi na bale, Among. Ibebenta na lang namin sa iba. Marami pa namang pumupuntang treyder na bumibili rito.”
“Talagang mahirap kayong kausap, ano?” Nag-umpisa nang magalit ang panginoong maylupa. “Kahit sa hatian, marami kayong rikisitos bago kayo pumayag na kalahati ang hatian. Ngayon, ipinipilit n’yo na naman ang presyo ninyo. Akala n’yo pag-aari ninyo ang lupa, a. Gusto yata ninyong matulog sa silong ng mga bituin, ano?”
Hindi sumasagot si Lakay Doming. Nanginginig na nagdikit ang kanyang mga panga.
“Hindi naman ho gano’n, Among,” mapagpakalma ang tinig ni Baket Gorya. “Talaga lang talo kami sa presyo ninyo. Nagmahal na naman kasi ang pataba at pestisidyo nitong nakalipas na buwan. Ang laki ng gastos namin. Mahirap palabasin ang puhunan sa gusto ninyong presyo.”
“Ayoko nang maraming satsat!” Namumula na ang mukha ng panginoong maylupa. “Ibigay n’yo ang tabako sa tawad ko kung gusto ninyo. Kung hindi, hindi!” tumalikod na si Mr. Viloria para sumakay sa owner niya. Sinikaran ng drayber ang silinyador. Parang nakakaloko ang ngiti nito.
Tinalo ng sigaw ng panginoong maylupa ang ungol ng owners. “Hindi pa ako tapos sa ’yo, Doming! Akala mo siguro hindi ko nababalitaan ang mgadumaraang tagalabas dito sa bakuran ninyo kapag dumidilim, ano? Ano, sila ang ipinagmamalaki ninyo? Wala kayong maitatago sa akin. Marami akong mata dito sa baryo!”
“Babalikan ko kayo!” ang huling sambit ng panginoong maylupa bago umalikabok sa harapan ng bakuran nina Lakay Doming. Nakalayo agad ang owner.
Dumapa si Ikko. Sumilip siya sa pagitan ng mga tabakong nakasalansan sa silong ng kubo; maayos ang pagkakasalansan ng mga ito. Kahit ang mga hindi pa nasasalansan, ‘yung mga kaahon pa lang sa pugon, ay masinop na nakasabit sa mga pantuhog na nakasampay nang maayos sa mga buho.Napakaganda ng kulay ng tabakong ipinugon. Malaginto ang mga ito. Kasinghalaga ng ginto ang tabako para sa kanila dahil maraming pawis at panahon, pati na kwarta, ang ipinupuhunan nila.
Naalala niya nang mag-umpisa silang mag-araro bago dumating ang taniman. Naalala niya nang asikasuhin nilang diligdiligin ang kalilipat na mga tabako sa bukid. Naalala niya noong mag-uumpisa silang buhatin ang mahahabang hos na kasyangkasya sa buong kamay niya, hanggang braso. Naalala niya ang dagta ng tabako na nagpapaitim sa mga kamay nilang mag-aama tuwing pipitasin na nila ang mga dilaw na dahon, ang pangangawit ng baywang niya sa pagtutuhog ng mga dahon, ang pagpuputol at paghahakot nila sa mga siit na panggatong, ang kirot ng likod niya sa oras ng pagsasalansan.
Naalala pa niya ang pag-ubo ng ama tuwing gumagabi at ang mga daing ng ina tuwing madaling-araw. Sumagi sa isip niya ang namumulang mukha ni Mr. Viloria, ang nakabukol na sukbit niyong drayber ng owner, ang hingal ni Pinky sa tuwing aararuhin ang tigang na lupa sa tag-araw. Naisip niya ang lalagyang kawayan at ang laman nitong isda. Naisip niya ang bukatot at naalala ang panginoong maylupa. Parang butas ng bukatot ang mukha ng panginoong maylupa.
Nagising siya sa tilaok ng tandang na humapon sa sanga ng kaymito sa tapat ng bintana ng kubo. Tinatalo na ng liwanag ang dilim na naghatid sa kanya sa nagpapaalalang mga panaginip. Tag-araw pero malamig ang mga madaling-araw sa baryo nila. Mas malapit kasi ito sa dagat, tanaw pa rito ang mga lambak at paanan ng bulubundukin ng Kordilyera. Naramdaman niya ang kirot sa tagiliran niyang nangawit sa pagbabakod nilang mag-ama sa mga katatanim na mais sa bukid. Gusto pa sana niyang umidlip pero narinig niya ang namamaos na boses ng kanyang ama.
“Bumangon ka na, anak, at mag-aalmusal na tayo. Maaga tayong hahayo at maglalambat sa sabangan.” Binubugahan ng matanda ng usok ng abano ang talisayin niyang manok saka ito hahaplusin mula pakpak hanggang buntot.
“Hala! Bumaba ka na rito sa kusina, Ikko. Kanina pa nakahain ang almusal. Halika na’t magmumog. Hilamusan mo ‘yang mukha at nang di ka aalis nang minumuta.” Dumadakdak ang inang niya habang nagbubugaw ng mga langaw na nag-umpisang lumipad sa ibabaw ng kanin.
Bumangon si Ikko. Nagtuloy sa tatlong baitang na hagdan patungo sa kusina saka umupo. Bumungad sa kanya ang bango ng bagoong na sinimot ng kanyang ina sa tapayan. Kumulo ang bituka niya nang makita ang pula ng kapipisang kamatis.
“Wala tayong kape, “Nang?” tanong niyang naghihikab.
“Naku’t naghanap pa ng wala,” putol ng matanda. “Tawagin mo na ang ama mo’t halina kayong dumulog.”
Magkakasunod ang pagdakot nilang mag-ama. Wari’y di sila nakakain ng ilang kainan. Gaulo ng tuta ang laki ng mga subo nila kayat akala mo’y nginunguya na pati samid nila.
Tinitigan ni Baket Gorya ang kamay ni Ikko nang itaas niya ang bao dahil maghuhugas sana siya ng kahoy na pinggan. Tumayo siya at nagtuloy sa batalan. Pumasilangan nang makapaghugas para bisitahin si Pinky.
Ungol ng dyip na owner ang nagpatayo kay Lakay Doming nang inaayos na niya ang lambat. “Nandito na naman ang lintik na kawatan!” mabigat ang bulong ng matanda sa asawa.
Nagtahulan ang mga aso sa kakapitbahayan. Umalulong na tila nakakita ng multo. Tila aburidong tinanaw ni Pinky ang owner. Yumuko si Ikko at sinilip mula sa ilalim ng kalabaw ang dumating. Nakita niya si Mr. Viloria na bumababa ng owner. Sinundan ito ng drayber. Napansin ni Ikko na wala iyong nakabukol sa tagiliran ng drayber ngunit nang tumagilid ito, nakita niya na nasa likod nito. Nangamba ang bata. Hindi niya maintindihan kung bakit.
Dinig niya na mainit ang usapang namamagitan sa kanyang ama at sa panginoong maylupa. Naririnig niya ang pagsasagutan nila ngunit di niya maintindihan. Marahil, naisip niya, tungkol na naman sa tabako at lupa ang pinag-uusapan nila. Mula sa malayo, halata niyang di mapakali ang inang niya. Nang masanggi ng sumisingasing na init ang mukha ng matanda, nakita ni Ikko na kumislap ito. Lumuluha ang kanyang ina.
Tinanaw niya ang drayber. Naninigarilyo ito sa tabi ng sasakyan, may kausap sa radyong ober-ober na hawak ng kanan nitong kamay. Walang anu-ano, nakita niyang itinapon nito ang upos nang sigarilyo saka hinaplos ang nakabukol sa likod.
Tumahimik ang mga nag-uusap. Ang mga tahol na lamang ng aso ang naririnig ni Ikko. Tumalikod ang panginoong maylupa. Lumapit sa matabang drayber at bumulong.
Tumangutango ito sa sunudsunod na naman ober-ober sa radyo. Niyayakap ni Baket Gorya ang kanyang asawa. Tahimik sila. Pagkaminsan, humihibik ang babae, ngunit matatag ang pagkakatayo nila sa harapan ng kanilang bakuran.
Ilang sandali lamang ang nakalipas, dumating ang isa pang sasakyan. Owner din ito ngunit berde ang kulay. Pito hanggang walo ang karkula niyang sakay nito. May nakaunipormeng parang sundalo pero mayroon ding hindi. Sumabit din ang iba dahil hindi na sila magkasya sa owner. Tumahip ang dibdib ni Ikko nang makita niya ang mga hawak na baril ng mga ito. May maliliit. “Kwarentaysingko siguro,” naisip niya. May mahahaba na alam niyang mga armalayt.
Agad-agad na dumapa si Ikko sa damuhan. Nangapa siya’t gumapang patungo sa sapa. Hindi niya malaman kung hihinga pa o hindi na. Di na niya alam kung ihihikbi ba ang kaba ng dibdib o hindi. Pagkarating niya sa sapa saka siya narinig ang putok ng mga baril. Sumabay pa ang alulong ng mga aso, putak ng manok at pag-ungol ni Pinky.
“Inang ko! Amang ko!” isinigaw niya sa abot ng makakaya pero mas mahina pa sa bulong ang lumabas na tinig.
Tumakbong patimog si Ikko. Tumakbo nang tumakbo nang walang lingunan. Tinugpa niya ang sapa. Nadaanan ang bukatot. Pumalambak siya. Pumabundok. Tumakbo siya nang tumakbo, alam kung saan tutungo. Mataas ang araw. Uminit na ang kanyang sintido. Humalo na ang luha sa pawis na umaagos mula noo hanggang dibdib. Tumakbo siya nang tumakbo hanggang lamunin siya ng luntiang mga puno.
Malungkot ang huni ng maya. Umirit ang pumahilagang uwak. Lumipad ang matandang mag-asawang kakok nang sumunod na magputukan ang mga baril. Tumahimik ang araw. Hindi ito gumagalaw.
Hapon na nang taluntunin ni Ikko ang lambak patungo sa kanilang bakuran. Sa maalikabok na kalsadang sumasalpok sa haywey, nasulyapan niya ang maraming tagabaryo. Nagkukumpulan ang mga tao. Nagsasalimbayan ang usapan nila.
Ang mga hindi makatagal ay umaalis na. Ang mahihina ang sikmura ay hindi makalapit. “Yung mga tsismosa, mayabang at nagpapasobra kung magkwento ang nasa gitna.
Tinakbo ni Ikko ang kinaroroonan ng kumpulan. Natuyo na ang luha niya, ang dinaluyan nito ay para lamang iginuhit ng kumapit na alikabok sa mukha niya.
Tumahimik ang mga tao nang marating ni Ikko ang kalsada. “Kawawa namang bata,” sabi ng isa. Tumabi ang mga nasa gitna. Para nilang ipinapakita kay Ikko ang nagkalat na mga bangkay. “Paano na kaya ang buhay ng batang ito?” sabi naman ng isa. Isaisa niyang tiningnan ang mga mukha ng mga bangkay. Huminga nang malalim si Ikko. Naamoy niya ang dugong umagos sa lupa.
Kumpleto ang mga bangkay. Sin Mr. Viloria, wakwak ang dibdib.
Putang-ina mong matanda ka! Ang bigla niyang naisip. Tiningnan niya ang drayber, biyak ang bundat nitong tiyan.
“CAFGU raw ang mga ‘yan!” narinig niyang may nagsabi. Sinulyapan niya ‘yung tila mga sundalo, may butasbutas ang bungo, may nalansag ang panga, may lumipad ang ngalangala. Patay lahat.
Kumpleto ang mga bangkay. Tanging ang mga baril at radyong ober-ober ang wala.
“Yan kasi’t napakayabang nila! Bakit, ang akala siguro nila, palalampasin ng mga kasamahan ng pinagkasalaan nila ang ganoon? Mabuti nga sa kanila!” saka nagtakip ng bibig ang dalagitang nagsalita.
“Umuwi ka na anak. Nakahandusay pa sa bakuran ninyo ang mga bangkay ng mga magulang mo. Hinahanap ka ng mga tiya mo roon,” iyak ng isang matandang babae.
Huminga na naman nang malalim si Ikko. Naririnig niya ang mga hagulhol sa bakuran nila. Alam niya, wala na ang amang niya pero nawala na ang tahip sa dibdib niya. Wala na ang inang niya pero nawala na ang panginginig ng mga tuhod niya. Malamang, wala na rin si Pinky pero malakas na ang loob niya.
Naalala niya ang mga ipinabaong salita ni Ka Eugene bago naganap ang putukan. “Bumalik ka kapag nailibing na ang ama’t ina mo. Daraan kami kinabukasan ng gabi. Magtago ka sa bukid. Lumabas ka lamang pag tapos na ang operasyon. Magpapakabait ka.”
“Putang-ina ninyooooooooo!” Pinagmumura niya ang mga bangkay.
Lumakad patimog si Ikko. Tinalunton niya ang lambak, hindi iyong papunta sa bakuran nila, kundi iyong patungo sa sabangan sa sapa. Ayaw na niyang maalala pa si Mr. Viloria. Ayaw na niyang sumagi pa sa isip niya ang tila butas ng salakab na mukha ng panginoong maylupa. Pupuntahan niya’t sisirain ang bukatot. Pirapiraso niya itong ipapaanod sa dagat.
Tinanaw niya ang namumulang himpapawid sa bandang kanluran at nakita niyang kakalahati na lang ang lumulubog na araw.
Tumahol na naman ang mga aso. Umalulong na naman silang tila nakakita ng multo. Umirit na naman ang pumasilangang uwak.
http://www.geocities.ws/muog2004/nilalaman.html
http://www.geocities.ws/muog2004/pinaghanguan.html
No comments:
Post a Comment